10.58-km kalsada sa San Francisco, Quezon, maghahatid ng maayos na daan tungo sa mga pamilihan para sa mga magsasaka at mangingisda
Matapos ang ilang taong paghihintay, nabigyang kasagutan na ang katanungang ‘kailan kaya’ ng mga magsasaka at mangingisda ng San Francisco, Quezon. Ito ay matapos na pasinayaan ng lokal na pamahalaan at ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project ang pagsisimula ng konstruksyon ng isang 10.58 kilometrong farm-to-market road na magbebenepisyo sa mga barangay ng Sto. Niño, Huyon-Uyon, at Pagsangahan. Idurugtong ng kalsada ang mga komunidad sa mga pangunahing pamilihan tulad ng San Francisco Public Market, Brgy. Pagsangahan talipapa, at bayan ng San Andres, Quezon. Magbebenepisyo ito sa 1,392 kabahayang nagsasaka at nangingisda at 15,392 indibidwal.
Layon ng farm-to-market road na tugunan ang matagal nang mga suliraning dulot ng mababang kalidad ng kalsada tulad ng mataas na pamasahe, mahabang oras ng byahe, mahirap na pagdadala ng produkto sa mga pamilihan, at limitadong ugnayan sa mga serbisyo ng gobyerno at mga oportunidad. Matapos maitayo ang kalsada, inaasahang mababawasan ang oras ng byahe mula 42 minuto tungo sa 18 minuto, bababa nang 16% ang gastos sa pagpapahakot, mababawasan nang hanggang 13% ang pagkalugi sa pagbabyahe ng produkto, tataas nang 2.5% ang dami ng mga sasakyang dumaraan sa mga komunidad kada taon, at madaragdagan nang 354.80 ektarya ang mga lupang sakahan.
“Sa pagsisimula po ng konstruksyon ng kalsadang ito, matutuldukan na po ang ating katanungang, ‘kailan kaya?’ Hindi na po natin mararanasan ang isang buong araw na byahe mula dito hanggang bayan, pagtirik ng mga sasakyan sa putik, pagkasira ng mga produkto, at pagkahuli sa mga pagpupulong. Ngayon pong narito na ang ating oportunidad para umunlad, atin pong sulitin ito at pangalagaan upang makinabang rin ang susunod na henerasyon,” ani Alex Roldan, pangulo ng Farmers Association of Barangay Huyon-Uyon.
Nilalayon ding suportahan ng FMR ang lokal na industriya ng niyog sa pamamagitan ng paghahatid ng mas maayos na ugnayan ng mga magsasaka sa mga teknolohiya at serbisyo. Inaasahang makakatulong ito sa pagpapalawak ng produksyon ng niyog nang 120 ektarya at pagpapalakas ng mga aktibidad na nagdadagdag halaga o value-adding activities sa mga produktong agrikultural. Ani DA Regional Field Office CALABARZON and DA-PRDP Regional Project Coordination Office Director Engr. Redelliza Gruezo, patuloy silang makikipagtulungan sa Municipal Agriculture Office sa paghahatid ng kumpleto at dekalidad na serbisyo hindi lamang para sa niyog, ngunit para na rin sa ibang crops tulad ng palay, ube, saging, luya, mani, bawang, kamote, mais, at gulay, at sa paghahayupan.
“Binabati ko po ang lahat sa pagkakaroon ng isang magandang kalsada sa kanilang komunidad. Kung gaano po kalakas ang inyong pagnanais na maitayo ang kalsadang ito ay ganoon din po ang kagustuhan namin sa Kagawaran na tulungan kayong maabot ang inyong mga pangarap. Kaya naman po, ipagpatuloy po ninyo ang inyong pagsisikap at atin pong pagtulungang palakasin at pagtibayin pa ang produksyon ng pagkain dito sa San Francisco,” ani Director Engr. Redelliza Gruezo.
Nagbigay suporta rin si DA-PRDP Project Support Office South Luzon Cluster Deputy Project Director Renie Madriaga sa proyekto. Idiniin niyang ang proyekto ay isang patunay na ang gobyerno ay handang makinig at aksyunan ang mga pangangailangan ng mga nagsasakang komunidad.
“Ito po ay patuloy nating gagawin, ang pag-suporta sa mga magsasaka. Sapagkat naniniwala po ang pamahalaan na ang pag-unlad po ng bawat isa, ang pag-unlad po ng bawat barangay, ay pag-unlad ng lahat ng kanayunan sa buong bansa,” ani Deputy Project Director Madriaga.
Samantala, ang lokal na pamahalaan ng San Francisco, Quezon, sa pangunguna ni Mayor Joselito Alega at Vice Mayor Jean Chriscelene Alega ay nagpasalamat sa DA-PRDP para sa kanilang patuloy na pagsuporta sa proyekto. Ani Mayor Alega, binuhay muli ng kalsada ang pag-asa ng mga mamamayan na magkaroon ng magandang kinabukasan. Hinikayat nila ang kanilang mga kababayan na samahan silang panatilihin ang tibay at operasyon ng kalsada upang makaabot pa ang mga benepisyo nito sa mga susunod na henerasyon.
“Sa bawat adhikain po natin, lagi po naming hangarin ang inyong pakikiisa, nang sa gayon po ay lahat ng programa ay hindi lamang po nanatiling pangarap, kundi nararamdaman, nararanasan ng bawat isa nating kababayan. Kaya muli't muli po, sa aming mga kababayan, maraming- maraming salamat po sa inyong pagtulong. Atin pong pangalagaan itong ating kalsada para sa magandang kinabukasan ng mga magsasaka, mga magulang na naghahanapbuhay, mga estudyanteng pumapasok sa paaralan, at sa mga susunod pa sa atin,” ani Vice Mayor Alega.
Tinatarget na matapos ang konstruksyon ng FMR sa 2028.


