100 magsasaka sa General Emilio Aguinaldo, kinapanayam ng DA-4A sa Huntahan sa Kanayunan

 

 

Kaisa ang 100 magsasaka mula sa bayan ng General Emilio Aguinaldo (GEA) sa pakikipagpanayam sa isinagawang Huntahan sa Kanayunan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa lalawigan ng Cavite noong ika-25 ng Setyembre.

Sa inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng GEA, naging bahagi ito ng serye ng aktibidad ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) upang ipakilala sa mga magsasakang nagmula sa mga malalayong lugar ang mga programa at proyekto ng Kagawaran.

Nagsilbi itong pagkakataon para sa mga magsasaka na makapagtanong ukol sa mga isyu o pangangailangan sa kanilang buhay pagsasaka na tinugon ng mga teknikal na kawani ng Kagawaran. Ilan sa mga paksang nabigyang pansin ay ang pagmamarket ng mga produkto, mga hakbang sa pagiging isang cluster, pagpapaakredit sa pagiging Civil Society Organization (CSO), pagkontrol sa peste at sakit ng halaman, at iba pa.

Si G. Larry Dimapilis, pangulo ng Kaymisas Irrigators Farmers Association, ay ikinatuwa ang aktibidad dahil napaliwanagan sila sa mga dapat gawin upang magkaroon ng direksyon at maorganisa ang kanilang samahan.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)