11th Regional Organic Agriculture Congress isinagawa sa Tayabas City, Quezon

 

 

Tampok ang mga samahang nagsasagawa ng organikong pagsasaka sa rehiyon sa idinaos na 11th Regional Organic Agriculture Congress ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture Program noong ika-21 hanggang ika-22 ng Oktubre sa Tayabas City, Quezon na may temang “Kabuhayang OA, Kinabukasang OK: Organikong Pagkain sa Pamilya ay Ihain”.

Ibinahagi ni National Organic Agriculture Board Representative of Small Farmers in Luzon, Director Gabriel A. Arubio, ang layunin ng aktibidad na magsama-sama ang mga magsasaka, stakeholders, at katuwang na ahensya upang mapag-usapan ang mga pamamaraan at plano sa patuloy na pagtataguyod ng Organic Agriculture sa rehiyon.

Binigyang pagkilala din ang mga natatanging samahan sa larangan ng organikong pagsasaka sa naturang aktibidad at ibinida ang kani-kanilang mga gawang produkto.

Bahagi rin ng aktibidad ang pagturn-over ng dalawang hauling vehicle para sa Samahan ng Magsasaka ng Tayabas sa Yamang Organiko (SAMATAYO) mula sa Tayabas City, Quezon at Marikina Watershed Kaysakat Farmers Association (MARIWSKA) mula sa Antipolo City Rizal.

Pasasalamat ang ipinaabot ni Ms. Alicia A. Valdoria, Presidente ng SAMATAYO, sa natanggap na sasakyan mula sa Kagawaran. Aniya, maihahatid na ng maayos ang kanilang mga produkto sa malalayong lugar, ito ay kanilang iingatan at pahahalagahan, at patuloy na magiging inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng organikong magsasaka.

 

(Glenda H. Marquez, DA 4A RAFIS)