1,375 baboy sa ilalim ng Swine Repopulation Project ng DA-4A, ipapamahagi
Limang swine multiplier farms sa rehiyon ang nakatakdang pamahagian ng 1,375 kabuuang bilang ng baboy ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program bilang bahagi ng Swine Repopulation Project (SRP) ng Kagawaran.
Ang SRP ay programa alinsunod sa DA Memorandum Circular No. 10, series of 2026 na may layuning muling pasiglahin at patatagin ang industriya ng pagbababoy sa bansa matapos ang pinsalang dulot ng African Swine Fever (ASF).
Dito ay mga kwalipikadong sakahan na may sapat na pasilidad ang magsisilbing sentro ng pagpaparami ng produksyon ng baboy na ipagkakaloob sa mga samahan hanggang sa maliliit na magsasaka sa rehiyon. Sila ay obligadong isagawa ang mas pinalakas na biosecurity upang masigurong ligtas ang mga baboy sa mga sakit lalo na sa ASF.
Noong ika-19 ng Oktubre ay opisyal na ring naglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay nito sa pagitan ng DA at ng P4R Animal Farm, Holiday Hills, Diamond Field, Abcede, at Excell R. Ito ay masusundan pa ng anim na multiplier farms sa ilalim ng nasabing proyekto.
Malaki ang pasasalamat ni OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza Gruezo sa mga kinilalang farms na katulong at kasama ng Kagawaran sa pagpapatupad ng programa. Aniya, walang ibang hangad ang pamahalaan kundi mapaigting ito hanggang makarating sa mga pinaka nangangailangan na magbababoy.


