Aabot na sa labing-walong (18) bio-secured and climate-controlled finisher operation facilities ang pormal nang naipagkaloob ng Department of Agriculture Region IV- CALABARZON (DA-4A) at pwede nang magamit ng mga benepesyaryong Samahan ng magbababoy sa rehiyon.
Ito ay sa patuloy na pagpapatupad ng programang Integrated National Swine Production Initiative for Recovery and Expansion (INSPIRE) ng DA.
Layon nito na muling palakasin ang industriya ng pagbababuyan, pataasin ang produksyon, at siguraduhin ang patuloy na suplay ng murang karne ng baboy sa merkado. Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga magbababoy, partikular ang mga naapektuhan ng sakit na African Swine Fever, katulad ng naturang pasilidad.
Ang naipagawa at naipamahaging pasilidad ay kayang maglaman ng hanggang 240 ulo ng baboy. Mayroon itong exhaust fans, cooling system, wheel bath, manual operated curtain wall, open lagoons, biogas, at perimeter fence na pangunahing kailangan sa maayos na operasyon ng pasilidad.
Ang mga benepisyaryo ng INSPIRE ay mga samahan, asosasyon, o kooperatiba na mayroong hindi bababa sa tatlumpung (30) myembro, kinikilala ng DA-4A bilang Civil Society Organization (CSO), at may dalawang-libong metro kwadradong (2000 sqm.) lupa kung saan maaaring itayo ang pasilidad.
Kaugnay ng nasabing pasilidad ay pagkakalooban din ng tig-112 ulo ng biik at tig-226 na sako ng pakain ang mga benepisyaryong-samahan.
Sa pamamagitan ng proyekto, inaasahang makakatulong ito sa tuluyang pagbangon ng industriya mula sa hamong patuloy na hinaharap dulot ng ASF.
Ayon kay G. Mario Aplon, Chairperson ng Lucban Multipurpose Cooperative ng bayan ng Balayan, ramdam nila ang hindi pagtigil ng gobyerno na sila ay matulungan. Saad pa nya, nang dumating ang balita tungkol sa INSPIRE, itinuring nila itong “good timing” dahil kailangan nila ng mapagkakakitaan at gayundin ang makatulong sa komunidad.
Kasabay ng pormal na paggawad ng pasilidad sa mga benepisyaryo ay ang paglagda sa Memorandum of Agreement na magsisilbing gabay sa pamamahala ng naturang proyekto.
Samantala, mayroon pang nakatakdang dalawampu’t isang (21) pasilidad ang ipagkakaloob sa iba pang mga benepisyaryo mula sa pondo noong nakaraaang taon. Ayon kay livestock program coordinator, Dr. Jerome Cuasay, para sa 2023, may nakalaan na karagdagang tatlumpung (30) kahalintulad na proyekto para sa mga kwalipikadong samahan.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa DA-4A Livestock Program at sa City o Municipal Agriculture Office. #### (Chieverly Caguitla, DA-4A RAFIS)