Labing siyam (19) na Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) mula sa lalawigan ng Cavite, Laguna, at Quezon ang tinutukan ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) simula noong ika-11 hanggang ika-27 ng Abril, 2023.

Ito ay upang makapanayam sila para sa enterprise assessment at tuluyang sanayin sa paggawa ng Cluster Development Plan (CDP). Paraan ito ng Kagawaran upang matukoy ang kasalukuyang kalagayan at pangangailangan ng bawat samahan na pagbabatayan ng plano sa pagkakaloob ng mga interbensyon gaya ng binhing pananim, pataba, pasilidad, makinarya, at iba pa.

Ang mga nasabing aktibidad ay bahagi ng layunin ng F2C2 Program na isulong ang pagtitipon sa mga magsasaka sa isang cluster upang palakasin ang kanilang kapasidad at produksyon, pati na rin ang pagsiguro sa mas malawak na paggamit ng mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka.

Ang mga samahan na tinungo sa Cavite ay ang San Francisco Damayan Kapit-Kamay Farmers Association Inc., City of Imus Farmers Federation (CIFF), Punta Halayhay Amaya Mulawin Biga Bagtas Sanja Mayor Sahud Ulan (PHAMBBSS), Paradahan I and II Bunga Santol (P2BS), Tres Cruses ARB Farmers Association Inc., Daine 1 and 2 Farmers Association, Mango Growers Association of Dasma, at Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos.

Sa Laguna ay ang Diezmo Sta Rosa Irrigators Association, Brgy. Bulihan – Lilian Farmers Association Inc. (BBLFA), Galalan Agrarian Reform Beneficiaries M.P.C., Agap Farmers Association, Calangay Habal Habal Association, at Sto. Niño AgroForestry Farmers Association. 

Sa Quezon naman ay ang Atimonan Rice Growers Federation, Pamplona Rice Farmers Association (PARIFA), Samil Farmers Association, Candelaria Federation of Farmers Association, at Tulo-Tulo Hog Raisers Association.

Inaasahan na magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng DA-4A at lokal na pamahalaan sa mga samahan ng magsasaka ukol sa kaparehong gawain sa iba pang karatig lalawigan ng CALABARZON. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)