Aabot sa apatnapu’t dalawang (42) lider ng mga Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) sa CALABARZON ang lumahok sa pagsasanay na inihanda ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ukol sa pamumuno at angkop na pamamahala sa organisasyon simula noong ika-10 hanggang ika-12 ng Mayo sa Sta. Rosa, Laguna. 

Ito ay upang ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pagbuo ng cluster kalakip ang sama-samang pagkilos nang may tamang pamumuno at pamamahala. Ilan sa mga tinalakay sa pagsasanay ay ang iba’t ibang katangian ng mahusay na lider, mga pamamaraan sa epektibong komunikasyon, mga kwalipikasyon sa pagiging Civil Society Organization (CSO), at pagsasaayos ng mga alitan o problema. 

Bahagi ito ng layunin ng DA-4A F2C2 Program na palakasin ang kapasidad ng mga cluster sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagsasanay na nakatuon sa pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa loob at labas ng kooperatiba o asosasyon. Ito ay tungo sa nagkakaisa, nagkakasundo, at mas produktibong samahan sa pagpapataas ng ani at kita.

Ang mga lider na lumahok ay mula sa samahan ng Baras Integrated Diversified Organic FA, San Juan United Vegetable FA, Sariaya Corn FA, San Francisco Producers Association, Butanguiad Corn FA, Guinayangan Corn Specialist, Masayahin Small Irrigators FA/Samahan ng Magpapalay ng Ibabang Talim (SAMIT), San Jose Farmers Federation, Tulo-Tulo Hog Raisers Association, Guinayangan Banana FA, Maravilla-Alipit Malinao Irrigators Association, Inc., Asosasyon ng Magsasaka ng Gatid, Sta. Maria Siniloan (SANTAMASI), at Sto. Niño Agri-Forestry FA.

Ayon kay Mac Gerrald Gonowon na chairman ng Municipal Agricultural and Fishery Council (MAFC) ng Guinayangan, malaking pagkakataon sa kanya ang mga bagong kaalamang nakuha sa pag-oorganisa ng isang samahan nang sa gayon ay maibahagi niya ito sa mga kapwa niya rin magsasakang pinamamahalaan sa malawak na bayan ng Guinayangan.

Samantala, ang naturang aktibidad ay parte ng isang serye ng pagsasanay na magpapatuloy sa katapusan ng Mayo kung saan ang tatalakayin naman ay ang mga angkop na pamamahala at pagtutuos sa pinansyal na sektor ng mga cluster. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)