500 magsasaka sa Laguna, kalahok sa DA Information Caravan 2025
Tinatayang 500 magsasaka mula sa buong lalawigan ng Laguna ang lumahok sa isinagawang Information Caravan 2025 ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang DA CALABARZON (DA-4A) sa lalawigan ng Calamba City, Laguna noong ika-14 ng Agosto.
Ito ay may temang “Agrikultura Para sa Masaganang Bagong Pilipinas” kalakip ang layon ng aktibidad na ilapit sa mga magsasaka ang akses sa mga interbensyon gaya ng kaalaman ukol sa mga programa ng Kagawaran at suporta sa produksyon.
Tulad ng iba pang katuwang na ahensya, dito ay nagtayo ng isang booth ang DA-4A kung saan namahagi ng mga pananim na halaman, mga bote ng organikong pataba, mga polyetos na babasahin, at mga binhi ng ibat-ibang klase ng gulay.
Nabigyan din ng pagkakataon ang mga magsasaka na makapagtanong ng kani-kanilang namamataang isyu o problema sa buhay pagsasaka na handa namang sinagot at nabigyan linaw ng mga teknikal na kawani ng Kagawaran.
Ayon kay Delia Dejan, manager ng Calamba Samahang Manggagawa Multipurpose Cooperative (CASAMA MPC) mula sa Calamba City, Laguna, labis niyang ikinatuwa ang aktibidad na aniya ay para sa lahat dahil sa angkop na pagsagot ng mga isyu direkta mula sa mga mapagkakatiwalaang tao at hindi sa sabi-sabi lamang.






All content is in the public domain unless otherwise stated.