Tinatayang 600 straw ng semilya na nagtataglay ng mataas na uri ng lahi ng hayop ang naipamahagi na ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program sa unang kwarter ng taong 2023.
Ang pamamahagi ng naturang semilya ay bahagi ng mga pamamaraan ng Kagawaran upang mapalaganap ang magandang lahi ng mga hayop gaya ng baka, kalabaw, baboy, at kambing na matibay laban sa sakit o abnormalidad at may kakayanang magprodyus ng mas maraming gatas at dekalidad na karne.
Ito ay sa pamamagitan ng patuloy na implementasyon ng Unified Artificial Insemination Program (UNAIP) na naglalayong magkaroon ng produksyon at distribusyon ng mga straw ng semilya sa mga Regional Field Offices (RFOs), Local Government Units (LGUs), at mga AI Technician sa komunidad.
Sa tulong ng mga teknikal na kawani ay inaasahan dito ang pag-alalay sa mga magsasaka na tumaas ang uri ng lahi ng kanilang mga alagang hayop, dahilan upang hindi na mangailangan pang mababahan ang mga hawak nilang inahin.
Bahagi rin ng programa ang pagmomonitor sa malawakang pagsasagawa ng mga serbisyo para sa AI at pagsusumite ng report patungkol sa estado ng mga hayop na nasumpit, bilang ng mga anak nito, at iba pa.
Ayon kay DA-4A Livestock Program Coordinator Jerome Cuasay, target ng programa na makapagbigay ng kabuuang 12,300 straw ng semilya sa taong 2023 kaya naman mas tataas pa ang bilang ng distribusyon nito sa mga susunod pang kwarter.
Samantala, patuloy ang panghihikayat ng Kagawaran na tangkilikin ang mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka gaya ng AI sa tulong ng mga pagsasanay para sa mga magsasaka at mga teknikal na kawani ng lokal na pamahalaan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)