8.96-km farm-to-market road project sa Lobo, Batangas, sisimulan na

 

 

Magiging abot-kamay na ang mas maraming oportunidad para sa mga residente ng Lobo, Batangas ngayong ganap nang sisimulan ang implementasyon ng isang farm-to-market road sa kanilang lugar. Ito ay matapos gawaran ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel, Jr. ng No Objection Letter 1 ang P305.5 milyong proyekto sa ilalim ng DA – Philippine Rural Development Project Scale-Up.

Ang kalsada na may habang 8.964 kilometro ay dadaan sa mga barangay ng Jaybanga, Apar, at San Nicolas. Magbebenepisyo ito sa 3,641 indibidwal at 1,042 kabahayan. Sa pamamagitan ng kalsada, madali nang maaabot ng mga magsasaka, lalung-lalo na ng mga magniniyog, ang mga pangunahing pamilihan ng Batangas City, Lucena City, Lipa City, at isa pang proyektong DA-PRDP Scale-Up na coconut oil mill enterprise sa Rosario, Batangas. Idurugtong din ng kalsada ang bayan ng Lobo sa bayan ng San Juan na maaring maghatid ng karagdagang pag-unlad sa ekonomiya at turismo sa bayan.

Tutugunan din ng kalsada ang matagal nang problemang nararanasan ng mga mamamayan sa transportasyon. Sa kasalukuyan, maraming bahagi ng kalsada ang mahirap daanan, at kung nadaraanan man, kabayo lamang o 4×4 na sasakyan ang nakakalampas dito. Bagamat ilang bahagi ng daan ay sementado na, marami na rin dito ang may sira na, samantala, may mga bahagi naman na nananatiling lupa pa rin ang daanan.

Nagpasalamat si Mayor Geronimo Alfiler sa DA para sa suportang kanilang natanggap sa proyekto. Nangako siyang ipagpapatuloy nila ang kanilang pagtutulungan sa DA-PRDP upang masiguradong kalidad na proyekto ang kanilang maihahatid sa kanilang mga mamamayan.

Matapos ang paggawad ng NOL 1, magsisimula na ang procurement ng proyekto. Upang masiguradong susunod ang lokal na pamahalaan sa DA-PRDP Scale-Up Procurement Guidelines, maghahatid ng teknikal na suporta ang DA-PRDP sa buong proseso.

 

(Myrelle Joy Bejasa, PRDP Calabarzon INFOACE)