Walong agrikultural na pasilidad ang opisyal na ipinagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga samahan ng magsasaka sa bayan ng Laguna at Quezon sa isinagawang Turnover Ceremony ng DA-4A Regional Agricultural Engineering Division (RAED) noong Pebrero 15-17, 2023.
Ito ay ang Canal Lining, Multi-Commodity Solar Dryer, Solar-Powered Irrigation System (SPIS), Solar-Powered Fertigation System (SPFS), Cacao Fermentation Facility, at Vermicompost Shed.
Ang mga pasilidad na ito ay pinondohan ng DA-4A Rice Program, Organic Agriculture Program (OAP), at High Value Crops Development Program (HVCDP) upang makatulong sa patuloy, mas episyente, epektibo, at masaganang produksyon ng pagkain ng mga magsasaka sa rehiyon ng Calabarzon hanggang sa pagtagal ng panahon.
Bilang isa sa mga benepisyaryo, buo ang pasasalamat ni Blesilda Bisco na pangulo ng Cabay Farmers Association mula sa Tiaong, Quezon na tumanggap ng isang SPFS. Aniya, malaking kaalwanan ang maitutulong sa kanilang pagtatanim ng pagkakaroon ng sistematikong irigasyon sa pamamagitan nito.
Ilan pa sa mga tumanggap ang mga samahan ng Banabahin Ibaba Farmers Association, Banabahin Ilaya Farmers Association, Pangkalahatang Samahan ng Maghahalaman sa Macatad, Samahan ng Nagkakaisang Magsasaka ng Barangay Sampaloc Bogon (SNMBSB), Samahan sa Industriya ng Cacao na Pangkabuhayan (SICAP) Pagbilao, Laguna Cacao Farmers Association, at Quezon Organic Cooperative.
Samantala, inaasahan ang patuloy na paggabay ng kagawaran sa kapakinabangan, angkop na paggamit, at pagpapanatili ng kaayusan ng mga nasabing pasilidad. #### (Danica Daluz, DA-4A RAFIS)