83 Local Farmer Technicians kaisa sa kauna-unahang LFT Regional Convention sa Quezon

 

 

Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang walumpu’t tatlong (83) Local Farmer Technicians (LFTs) mula sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon sa kauna-unahang LFTs Regional Convention ng Rice Program noong ika-15 hanggang ika-17 ng Oktubre sa Tayabas, Quezon. Layon ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga LFT bilang katuwang ng DA-4A sa pagpapatupad ng mga programa sa kani-kanilang lokalidad.

Tinalakay sa kombensyon ang Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), gabay sa pagbubuo ng MASAGANA Rice Clusters, at iba’t ibang suporta gaya ng hybrid na binhi, inorganic fertilizer, proyekto sa irigasyon at composting, at mga makabagong sistema para sa georeferencing, pest monitoring, at rice data collection.

Tinalakay rin ang crop insurance mula sa PCIC at paghahanda sa mga kalamidad sa ilalim ng DRRM bilang paghahanda ng mga kalahok sa lumalalang epekto ng kalamidad sa mga magsasaka.

Ayon kay Emerlito Feliciano, Pangulo ng LFT-CALABARZON, matagal na nilang hinintay ang ganitong pagtitipon. Aniya, ito ay paalala sa kanila ng mahalagang papel ng mga LFT bilang katuwang ng DA sa pagpapalaganap ng kaalaman at suporta sa kapwa magsasaka para sa ligtas at masaganang ani ng palay.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)