90 magsasaging sa Batangas, Rizal, sumailalim sa pagsasanay ng DA-4A

 

 

Sumailalim sa Training on Package of Technology on Production, Nutrient, and Pest Management on Banana ang higit 90 kalahok na magsa-saging mula sa Batangas City, Batangas at San Mateo, Rizal noong ika-16 hanggang ika-17 ng Hunyo sa pangunguna ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) katuwang ang pamahalaang lokal ng mga naturang bayan.

Layunin nitong palakasin ang kaalaman ng mga magsasaka sa tamang pamamahala mula sa pagtatanim hanggang sa pag-aani. Kabilang na rito ang pagtalakay sa produksyon, nutrisyon, at pagpuksa sa mga peste sa saging.

Tinalakay din dito ang mabilis na pagtukoy at pagsugpo sa mga sakit na karaniwang pumipinsala sa mga sagingan habang binigyang diin ang kahalagahan ng tamang paraan ng pagkuha ng lupa para sa pagsusuri.

Naging tagapagbahagi rito sina, HVCDP Alternate Regional Banana Focal Person, Bb. Rica Mae G. Enverga at isa pang kinatawan mula sa programa, G. Darwin A. Bigyan; Bb. Maria Cleofe M. Buendia, kinatawan mula sa Regional Crops Protection Center; G. Anselmo Miguel Jr.  mula sa Enviro Scope Synergy Inc.; at G. Raymart Ross mula naman sa APCO Rizal.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Regional Industrial Crops Focal Person, Bb. Maria Ana S. Balmes sa mga magsasakang nakiisa at nakinig sa kaalamang ibinahagi ng kagawaran upang mas maalagaan at maprotektahan ang kanilang mga pananim hanggang sa araw ng kanilang anihan.

 

(Glenda H. Marquez – DA IVA RAFIS)####