Agri-trade Fair and Exhibit, Tampok sa Women’s Month Celebration ng DA CALABARZON

 

 

Pinasinayaan ng Department of Agriculture Region IV CALABARZON katuwang ang Panlungsod na Pamahalaan ng Lipa ang Women’s Month Trade Fair and Exhibit noong ika-24 hanggang ika- 27 ng Marso sa City Hall Grouds, Lipa City, Batangas.

Ito ay bahagi ng Women’s Month Celebration na may layuning kilalanin ang kakayahan, pagsisikap at dedikasyon ng mga kababaihan sa larangan ng pagsasaka.

Tampok dito ang mga ipinagmamalaking produkto ng 60 kababaihang magsasaka mula sa iba’t- ibang grupo, samahan at asosasyon sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) na naglalayong mapalawak ang oportunidad pangkabuhayan ng mga kababaihan at kilalanin ang kanilang mahalagang papel sa agrikultura.

Ilan sa kanilang mga produkto ang kape, mga sariwang gulay, organic products, mga chips na gawa sa gulay, mga damit, at inuming gawa sa prutas.

Ayon kay OIC-Regional Technical Director, Engr. Romelo F. Reyes ng DA CALABARZON, marami umanong mga programa ang isinusulong ng ahesya para sa mga kababaihang masasaka kung kaya’t mahalaga ang suporta at pagtutulungan hindi lang upang maiangat ang pamumuhay ng mga ito kundi ang kapakanan ng buong bayan.

Samantala, isinagawa rin ang GAD Basic Concept & Principle, Seminar on Urban Gardening, at Stress Management para sa mga kalahok.

 

(Glenda H. Marquez, DA-4A RAFIS)