Anim na organikong sakahan sa Quezon, inihahanda para sa pagiging certified organic farms

 

 

Kaisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture Program (OAP) sa unang pagsusuri ng DA-Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) Compliance Assistance Team sa anim na magsasakang miyembro ng Samahan ng Magsasaka ng Tayabas sa Yamang Organiko (SAMATAYO), isang Participatory Guarantee System (PGS) Group sa Quezon simula noong ika-7 hanggang ika-10 ng Oktubre.

Ito ay upang bigyan ng teknikal na suporta sa paghahanda ang mga magsasaka para sa sertipikasyon ng kanilang mga organikong produkto at sakahan. Dito ay tinulungan silang maunawaan ang mga hakbang na kailangan sa aktwal na inspeksyon at matukoy ang mga dapat pang ayusin para sa sertipikasyon.

Katulong din dito ang lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Quezon at bayan ng Tayabas City kasama ang mga miyembro ng Regional Pre-assessment Team (RPAT).

Sa aktibidad ay isa-isang tinungo ang sakahan at sinuri ang mga dokumento nina Alicia Valdoria ng Yumi’s Farm, Albert Anthony Francia ng Habilin Farm, Anatolio Aclan Jr. ng Libre’s Farm, Maristhel Rallos ng Rallos Integrated Farm, Florida Dieta ng Dieta Integrated Farm, at Alvin Pastorpide ng Beatri Farm.

Ayon kay Arnaldo Gonzales na miyembro ng RPAT mula sa DA-4A OAP, sa tulong ng pre-inspection ay mas nadagdagan ang kaalaman ng mga kawani at organikong magsasaka ukol sa mga pamantayan ng Philippine National Standards sa Organic Agriculture. Aniya, pinagsumikapan ang masusing pagsasagawa nito dahil wala silang ibang hangad kundi makapasa ang anim na potensyal na miyembro ng SAMATAYO at maparami pa ang certified organic farms sa CALABARZON.

 

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)