Benteng Bigas Meron Na, inilunsad ng DA-4A sa Polillo, Quezon

 

 

Higit sa 600 benepisyaryo ang nakabili ng tigsasampung kilo ng bigas sa halagang ₱20 sa paglulunsad ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Benteng Bigas, Meron Na sa bayan ng Polillo, Quezon noong ika-9 ng Setyembre.

Dito ay layon na makapagbenta ng dekalidad at abot-kayang bigas sa sambayanang Pilipino, partikular sa mga pinaka-nangangailangan gaya ng mga magsasaka at mangingisda, senior citizen, persons with disabilities (PWDs), minimum wage earners, solo parents, at iba pa.

Alinsunod ito sa Sagip Saka Act na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na direktang bumili ng palay sa mga kooperatiba ng magsasaka na siyang ibinebenta sa mga mamamayan sa halagang bente.

Kabilang sa mga nakabili ay si Bb. Marilou Prudencio, isang senior citizen, na nagpunta kaagad sa bayan para bumili ng bente bigas. Aniya, sa perang hawak niya ay malaki na ang natipid niya dahil bukod sa bigas ay kasyang-kasya pa itong pambili ng ulam sa pamilya.

Samantala, pinagtulungan ang paglulunsad ng nasabing programa ng DA-4A, Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), Agribusiness and Marketing Assistance Service(AMAS), National Food Authority (NFA), Food Terminal Incorporated (FTI), at lokal na pamahalaan ng Polillo, Quezon.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)