Benteng Bigas, Meron na sa Kadiwa ng Pangulo sa Catanauan, Quezon
Inilunsad na sa Catanauan, Quezon ang programang “Benteng Bigas, Meron Na!” sa pamamagitan ng KADIWA ng Pangulo upang mabigyan ng abot-kayang bigas ang mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa iba’t ibang vulnerable sectors sa pangunguna ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), at Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) sa pakikipagtulungan ng Food Terminal Incorporated (FTI) at Lokal na Pamahalaan ng Catanauan noong ika-1 ng Agosto, 2026.
Sa ilalim ng programa, may inilaan na 100 sako ng bigas na tig-50 kilo ang nilalaman, kung saan bawat kwalipikadong benepisyaryo ay maaaring makabili ng hanggang 10 kilo ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo. Layunin ng proyekto na mapalawak ang access ng mga Pilipino sa de- kalidad ngunit abot-kayang bigas bilang bahagi ng pagpapatatag ng food security sa bansa.
Kabilang sa mga maaaring makinabang sa programa ang senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, 4Ps beneficiaries, indigents, mga magsasaka, farm workers, mangingisda, minimum wage earners, benepisyaryo ng Walang Gutom Program, mga guro at non-teaching personnel ng DepEd, lower-middle income households, at mga nasa transport sector.
Ayon kay Gng. Wilma Dionela, minimum wage earner sa naturang bayan, malaking tipid umano ang isinagawang programa para sa mga kagaya nilang mahihirap. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa pamahalaang nasyonal katuwang ang Department of Agriculture sa ipinagkaloob na tulong sa mga residente ng Catanauan.


