Benteng Bigas, Meron na sa Kadiwa ng Pangulo sa Jomalig, Quezon

 

 

Umabot na sa Jomalig, Quezon ang programang "Benteng Bigas, Meron Na " program sa pamamagitan ng KADIWA ng Pangulo sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS), katuwang ang Food Terminal

Incorporated (FTI) at Lokal na Pamahalaan ng bayan ng Jomalig noong ika-15 ng Agosto. Ang naturang programa ay naglalayong maghatid ng abot-kayang bigas sa mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa vulnerable sectors, kabilang ang mga senior citizens, Persons with Disabilities (PWDs), solo parents, 4Ps beneficiaries, indigents, magsasaka,farm workers, mangingisda, minimum wage earners, benepisyaryo ng Walang Gutom Program, mga guro at non-teaching personnel ng DepEd, lower-middle income households, at mga nasa transport sector.

Ayon kay Gng. Emilita Abanto Quintan, isang senior citizen sa nasabing bayan, malaking tulong umano sa kanila ang programa lalo pa’t hindi na kayang magtrabaho ng kaniyang asawa at hindi rin makasuporta ang kanilang mga anak. Aniya, malaking katipiran ito kumpara sa regular na presyo ng bigas sa kanilang lugar .

Sa kabila ng pagiging isang isla ng naturang bayan, patuloy na naghahatid ng serbisyo ang pamahalaan sa pamamagitan ng Kagawaran upang matiyak na maging ang mga komunidad na malayo sa sentrong pamilihan ay maaabutan ng tulong. Ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapalawak ang access ng mga Pilipino sa de-kalidad at abot-kayang pagkain at mapatatag ang food security sa bansa.

 

(Glenda H. Marquez, DA4A RAFIS)