Suportado ng lahat ng Provincial Development Councils (PDCs) sa CALABARZON ang Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Scale-Up. Ito ay matapos i-endorso ng mga PDCs ang nasabing programa sa CALABARZON Regional Development Council (RDC) ng National Economic Development Authority, isang malaking hakbang upang maaprubahan ang implementasyon nito sa rehiyon.
Ang PDC ay binubuo ng mga punong bayan, pangulo ng Provincial Association of Barangay Council, puno ng mga departamento at ahensya ng lokal na pamahalaan, at kinatawan ng mga pribadong sektor at non-government organizations. Sa pamumuno ng punong lalawigan, layon ng mga PDCs na mamahala at bumuo ng mga plano at polisiyang nauugnay sa mga usaping sosyo-ekonomiko at pag-unlad ng lokalidad.
Lubos na pasasalamat ang hatid ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office Project Director Engr. Marcos Aves, Sr. sa mga PDCs. Aniya, ibayong tulong ang madadala ng DA-PRDP Scale-Up sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at isdaan sa rehiyon dahil sa malaking sakop nito tulad ng pagtingin sa aspeto ng climate-change, clustering ng mga magsasaka, industriya ng palay at mais, geomapping, at social and environmental safeguards.
Kamakailan ay inindorso na rin ang DA-PRDP Scale-Up ng CALABARZON Sectoral Committee on Economic Development sa Regional Development Council (RDC). Inaasahan ang desisyon ng RDC sa nasabing proyekto sa darating na Hunyo.
Ang DA-PRDP Scale-Up ng DA at World Bank ay ang mas pinalawak na bersyon ng DA-PRDP na naglalayong pabilisin ang daloy ng mga produktong agrikultura mula produksyon hanggang pagbebenta upang masiguro ang suplay ng pagkain sa mga pamilihan sa abot-kayang presyo, at ang pagtaas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda. Tinatarget nitong matulungan ang mga lokal na pamahalaan at mga samahang nauugnay sa agrikultura sa pamamagitan ng pagpondo at paglulunsad ng mga proyektong imprastraktura at kabuhayan.#