CFAN, pinarangalan sa CoINS Award para sa ambag sa industriya ng niyog sa rehiyon

 

 

Ginawaran ang Cacao Farmers Agripreneur of Nagcarlan Agriculture Cooperative (CFAN) bilang awardee ng Coconut Industry Sustainability (CoINS) Award matapos ang isinagawang evaluation ng High Value Crops Development Program – National Program Management Office (HVCDP-NPMO) noong ika-11 ng Setyembre sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City.

Ang (CFAN) ay isang kooperatiba ng mga magsasaka sa Nagcarlan, Laguna sa loob ng sampung taon na nakatuon sa pagtatanim, pagpoproseso, at pagbebenta ng mga produktong gawa sa Niyog at Cacao. Kilala rin ang kooperatiba sa pagsuporta sa mga kabataang magsasaka sa pamamagitan ng internship program, lakbay aral, at thesis support upang magabayan ang mga ito sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa nasabing bayan.

Bukod dito, ang CFAN ay isa sa mga tinulungan ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) katuwang ang implementing agency na Coconut Farmers and Industry Development Program (CFIDP). Ang interbensyon at suporta ng DA CALABARZON ay malaking tulong upang mas mapadami at mapangalagaan ang produksyon ng cacao at niyog sa rehiyon.

Batay sa itinakdang pamantayan at mga isinumiteng mga dokumentong nagpapatunay sa kanilang husay at kakayahan, kinilala ang CFAN sa kanilang mahalagang ambag sa pagsulong at pagpapaunlad sa industriya ng niyog sa CALABARZON.

Ang tagumpay na ito ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang mga samahan ng mga magsasaka at agripreneurs na ipagpatuloy ang makabago, responsable, at sustenableng paglikha ng mga produktong gawa sa niyog na tunay na maipagmamalaki hindi lang sa rehiyon kundi sa buong Pilipinas.

 

(Glenda H. Marquez, RAFIS)