CSC, sinanay ang mga kawani ng DA-4A sa pagbuo ng PCR
Sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay mula sa Civil Service Commission (CSC) ang ilang permanenteng kawani ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) hinggil sa estratehikong pagbuo ng Performance Commitment and Review (PCR) noong ika-13 hanggang ika- 15 ng Agosto sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station, Batangas.
Layunin ng pagsasanay na matiyak na ang mga gawain ng mga empleyado ay nakaayon sa mga layunin ng Kagawaran at nasusukat nang patas at obhetibo ang kanilang pagganap. Sa pamamagitan nito, mas malinaw na natukoy ang mga pangangailangan para sa karagdagang pagsasanay at pagpapaunlad ng kasanayan sa bawat opisina.
Bilang pangunahing output, ipinresenta ng bawat dibisyon ang kanilang PCR na nakabatay sa mga tinalakay sa pagsasanay at matapos ay maaaring isumite sa Kagawaran para sa mas angkop at episyenteng pagpapatupad. Inaasahan din na magagamit ang mga kaalaman mula sa aktibidad sa pagpapabuti ng kabuuang kalidad ng serbisyo ng Kagawaran.
Nagsilbing tagapagbahagi ng kaalaman sina CSC Field Office–Rizal Director Nancy B. Asilo at CSC Field Office–Batangas Director Rowena M. Cunanan, katuwang si Gng. Minette Dumlao bilang Training Assistant mula rin sa komisyon.
Ayon kay Dir. Asilo, sa simpleng pagsisimula, mahalagang tukuyin muna ang ating mga pangangailangan at bumuo ng individual development plan. Dapat malinaw kung ano ang kulang, ano ang nais makamit, at anong uri ng suporta ang kinakailangan upang magtagumpay ang isang empleyado pati ang opisina na kanyang kinabibilangan.
Dagdag naman ni Dir. Cunanan, ang mga kaalamang natamo ng bawat empleyado mula sa pagsasanay ay mahalagang maibahagi sa buong Kagawaran bilang sukli sa pagkakataong mapabilang sa ganitong pagsasanay.






All content is in the public domain unless otherwise stated.