Patuloy ang paghihikayat ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magsasaka at mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na mas palawakin ang organikong pagsasaka sa isinagawang serye ng infocaravan on organic agriculture mula May 2-26, 2023.
Tinalakay dito ang National Organic Agriculture Program (NOAP) ng Kagawaran partikular ang tungkol sa pagpapalawak ng mga sertipikadong organikong sakahan para sa mas marami at malakas na produksyon ng mga organikong produkto.
Ang naturang programa ay isinasagawa sa pamamagitan ng patuloy na pagsusuplay ng sertipikadong organikong kasangkapan; pagpapaunlad sa mga dati nang nagsasakang organiko; pagpapatayo ng mga pasilidad; pagkakaroon ng mga nararapat na pagsasanay; pagpapaunlad ng istilo at teknolohiya sa organikong pagsasaka sa pamamagitan ng mga pananaliksik; at patuloy na pagpapataas ng bilang ng mga interesado sa organikong pagsasaka.
Naisagawa na sa Gen. Emilio Aguinaldo, Cavite, Lucban, Quezon at Baras, Rizal ang naturang infocaravan sa pangunguna ng DA-4A Organic Agriculture Program (OAP).
Ayon kay Regional Technical Director for Research, Regulations and Integrated Laboratory at Regional OAP Focal Person Eda Dimapilis, inaasahan na may marami pang mga magsasaka at lokal na pamahalaan ang magkakaroon ng interes upang paunlarin pa ang organikong pagsasaka sa kanilang lugar sa pamamagitan ng infocaravan. #### (Bryan Katigbak, DA-4A RAFIS)