Bilang paggunita sa Buwan ng Magsasaka at Mangingisda, tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang mga grupo ng magsasaka mula sa lalawigan ng Quezon para sa Vegetable Field Day na idinaos sa Quezon Agricultural Research and Experiment Station, Tiaong, Quezon noong ika-18 ng Mayo.
Layon ng aktibidad na ipagdiwang ang kagitingan ng mga magsasaka; ipakitang gawa ang iba’t ibang teknolohiya at pamamaraan sa paggugulayan; at ang potensiyal ng industriya na makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya.
Ayon kay DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes, buo ang suporta ng ahensya sa patuloy na pag-unlad ng mga magsasaka sa rehiyon. Aniya, isa ang pagbuo ng kooperatiba sa susi upang makamit ang patuloy na pagsulong ng agrikultura, pagyabong ng mga magsasaka, at pag-unlad ng ekonomiya.
Ipinamalas sa aktibidad ang mga pananim na gulay kagaya ng sitaw, okra, ampalaya, pipino, at sili na ibinahagi ng mga kalahok na kompanyang Allied Botanical Corporation, Eastwest Seed Company, RAMGO International. Corporation, KANEKO SEEDS, at GREENSEEDS Corporation.
Bahagi rin ng programa ang pagkakaloob ng mga pang-agrikulturang interbensyon kagaya ng mga binhi pataba, Organic Fundicide, at seedling trays sa apat na Distrito ng Lalawigan ng Quezon na aabot sa P2,593,516-milyong halaga.
Kasabay nito, idinaos din ang KADIWA Pop-up Store kung saan itinampok ang ilan sa mga produkto ng mga ipinagmamalaking Farmers’ Cooperatives and Associations ng rehiyon.
Nakiisa sa pagdiriwang sina Bureau of Plant Industry Assistant Director Herminigilda Gabertan; DA-4A Field Operations Division Chief at High Value Crops Development Program Focal Person Engr. Redelliza Gruezo; kinatawan ni Quezon 1st District Representative at Committee Chairman on Agriculture and Food Cong. Wilfrido “Mark” Enverga, Gng. Edith Haway; Kinatawan ni Quezon 2nd District Representative Cong. David “Jay-Jay” Suarez, District Head G. Rommel Edaño; Quezon Provincial Agriculturist Dra. Ana Clarissa Mariano; Regional Agriculture and Fishery Council Vice Chairman Gaudencio Genil; at Opisyales at iba pang kawani ng DA-4A.