DA-4A, kaisa sa pagbisita sa merkado para sa pagsuri ng P50 kada kilo ng bigas

 

 

Kaisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa malawakang pagbisita sa mga pamilihang bayan upang suriin ang presyo at kalidad ng mga tindang bigas, sa pangunguna ni OIC- Regional Executive Director Engr. Redelliza Gruezo kasama ang mga kawani mula sa Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-1 ng Hunyo sa Lipa City, Batangas.

Dito ay pangunahing tinungo ang pamilihang bayan ng Lipa City kung saan 28 tindahan ng bigas ang tiningnan habang kapanayam ang mga may-ari ukol sa pagkakaroon ng price cap na P50 kada kilo para sa mga 5% broken imported rice. Alinsunod ito sa Executive Order No. 118 S. 2026 simula ika-13 ng Mayo at epektibo sa loob ng 30 araw.

Ayon kay Engr. Gruezo, paraan ito ng Kagawaran upang gawing abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga Pilipinong konsyumer lalo na sa gitna ng krisis.

Ang aktibidad ay direktiba ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na magkaroon ng nationwide visit sa mga pamilihan upang tingnan kung sumusunod sa nasabing mandato. Dahil aniya sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act, ang mga lalabag ay maaaring patawan ng kriminal o administratibong parusa.

Samantala, nasa 118 ang saklaw na rice brands sa price cap at kung sakaling may makitang paglabag ay maaaring i-report sa ahensya gamit ang #50PriceCap2026 sa mga post online.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)