DA-4A, Kaisa sa paglulunsad ng Adyo Convergence Area Development Plan sa Paete, Laguna

 

 

Katuwang ng iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng DENR, DAR at DILG, nakiisa ang Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A)  sa pangunguna ni  OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza A. Gruezo sa paglulunsad ng Adyo Convergence Area Development Plan noong ika-30 ng Hunyo, 2026 sa Paete,Laguna.

Bahagi ito ng pagpapatupad ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) o isang istratehiya ng gobyerno na binuo upang wakasan ang hiwa-hiwalay na pagpapatupad ng mga programa sa mga kanayunan na naglalayong mas mapabubuti ang serbisyo ng pamahalaan para sa mga benepisyaryo.

Nakatuon ang mga hakbang na ito sa pangangalaga sa agroforest, dibersipikasyon at mekanisasyon, masigasig na pagtataguyod ng ekoturismo, at ang pagpapatupad ng mahusay na kasanayan sa agrikultura at pangingisda sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga ahensya ng gobyerno sa mga proyekto at programang may kaugnayan sa konserbasyon at pag-unlad ng naturang bayan.

Dumalo rin sa naturang aktibidad sina Field Operations Division OIC-Chief, G. Felix Joselito Noceda, Planning, Monitoring, and Evaluation Division OIC Chief, Bb. Carmelita S. Ramos, Planning and Programming Section Chief, Bb. Regine Ann F. Dinayco, Rice Program Coordinator, Bb. Maricris O. Ite, High Value Crops Development Program Coordinator, Coordinator, Bb. Janice B.  Fajardo at APCO Laguna OIC, G. Kenneth Bryan M. Centeno.

Samantala, sa pagsapit ng taong 2030 ay inaasahan ng lokal na pamahalaan na magiging opisyal na tahanan ng ekoturismo ang Paete na nagtataguyod ng pangangalaga sa mga likas na yaman habang sinisiguro ang mataas na kita sa sektor ng agri-fishery para sa kapakinabangan ng komunidad.

 

(Glenda H. Marquez – DA IVA RAFIS) ####