DA-4A, mga LGU sa Quezon lumagda sa MOA para sa tatlong proyektong Farm-to-Market Road

 

 

Tatlong proyektong Farm-to-Market Road (FMR) sa mga bayan ng Pitogo, General Luna, at San Narciso, Quezon ang isusulong ng Department of Agriculture IV CALABARZON (DA-4A) katuwang ang kani-kanilang lokal na pamahalaan upang mapabuti ang koneksyon ng mga taniman sa mga pamilihan at mapabilis ang pagdadala ng mga produktong agrikultural.

Unang pinagtibay noong ika-3 ng Setyembre ang pagpapatupad ng dalawang FMR projects na matatagpuan sa Brgy. Pacatin, Pitogo at Brgy. Sumilang, General Luna, Quezon sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DA-4A at ng mga lokal na pamahalaan ng dalawang nabanggit na bayan.

Lumagda para sa mga lokal na pamahalaan sina Pitogo Mayor Dexter Sayat at General Luna Mayor Jose Stevenson Sangalang, kasama ang ilang opisyal ng Kagawaran.

Kasunod nito, pormal ding pinagtibay noong ika-8 ng Setyembre ang pakikipagtulungan ng tanggapan at Pamahalaang Bayan ng San Narciso, Quezon para sa pagpapatupad ng Brgy. San Vicente FMR.

Pinangunahan ni OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza A. Gruezo, ang paglagda para sa Kagawaran, habang lumagda naman para sa LGU si San Narciso Municipal Mayor Florabelle U. Uy-Yap. Saksi sa paglagda sina OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Romelo T. Reyes, OIC-Regional Agricultural Engineering at iba pang opisyal ng kagawaran.

Sa ilalim ng kasunduan, pangungunahan ng DA-4A ang procurement, pagpapatupad, supervision, monitoring, inspection, at acceptance ng proyekto. Katuwang naman ang LGU sa koordinasyon, pagtugon sa road right-of-way concerns, pagproseso ng mga kinakailangang permit at clearance, pagresolba sa community concerns, at maintenance ng kalsada matapos ang turnover.

Sa pamamagitan ng mga FMR sa Pitogo, General Luna, at San Narciso, layon ng DA-4A na higit pang pagdugtungin ang mga pamayanang sakahan sa mga pangunahing pamilihan, mabawasan ang oras at gastos sa transportasyon, at mapalakas ang produktibidad at kabuhayan ng mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon.

 

(Jayvee Ergino DA-4A RAFIS)