Sa layuning mapaunlad at makonserba ang mga tradisyunal na barayti ng mais sa CALABARZON gaya ng Makapuno, Lakatan, Mais na Pula, at Dumali, isang pag-aaral ang isinasagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) simula noong taong 2015 hanggang sa kasalukuyan.

Ito ay pinamagatang “Expanded Collection, Conservation and Evaluation of Traditional Corn towards Development of Improved Varieties in Region IV CALABARZON” sa ilalim ng proyektong “Corn Germplasm Utilization through Advanced Research and Development (CGUARD)” na pinondohan ng DA-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR).

Kaugnay nito, aabot sa 340 na ang koleksyon ng buto ng mga tradisyunal na mais ang nalikom ng DA-4A LARES mula sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon.

Bahagi rin ng pag-aaral na suriin ang produkto ng mga nakolektang buto kapag ito ay naitanim, naani, at nakain. Sa tulong ng ebalwasyon ng mga magsasaka ay natutukoy ng mga mananaliksik ang antas ng kalidad ng mga ito.

Buo ang panata ng DA-4A LARES sa pagsiguro ng konserbasyon ng mga koleksyon ng buto sa laboratoryo upang ito ay mapaunlad. Ang mga mananaliksik ay kinabibilangan nina LARES Superintendent Virgilia Arellano, LARES Assistant Superintendent Cynthia Leycano, Project Leader Jane Vanessa Yamido, Aillen Mae Jarina, Alexander at Ivan Gil Tuazon. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS). #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)