DA-4A nakipaghuntahan sa mga magsasaka ng Atimonan

 

 

Aktibong nakilahok ang 120 magsasaka mula sa bayan ng Atimonan, Quezon sa isinagawang Huntahan sa Kanayunan ng Department of Agriculture IV CALABARZON (DA-4A) noong ika-6 ng Nobyembre, 2025.

Ang pagtitipon ay inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Atimonan at naging bahagi ng serye ng aktibidad ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) upang maiparating sa mga magsasaka ang mga programa, proyekto at serbisyo ng Kagawaran.

Sa naturang Huntahan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga magsasaka na maiparating ang kanilang mga katanungan at pangangailangan hinggil sa mga programa ng Kagawaran kabilang ang paglahok sa clustering, pagkuha ng mga interbensyon tulad ng binhi, abono, at makinarya, at ang proseso ng akreditasyon bilang Civil Society Organization at pagpapa-rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA.

Mula sa SIPAG Atimonan Vegetable Growers Association, ipinaabot ni Gng. Marivic Par ang pasasalamat ng kanilang samahan na narating ng DA-4A ang kanilang bayan hindi lamang para magbahagi ng teknikal na tulong kung hindi upang mas kilalanin ang mga magsasakang nais tulungan ng Kagawaran sa bayan ng Atimonan.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)