DA 4A, Pinangunahan ang kauna-unahang Corn Derby Harvest Festival sa Sariaya, Quezon

 

 

Idinaos ng Department of Agriculture Region 4A CALABARZON (DA-4A) Corn Banner Program, katuwang ang Quezon Provincial Corn Producers Federation (QPCPF) at Quezon Office of the Provincial Agriculturist, ang kauna-unahang Corn Derby Harvest Festival noong ika-16 ng Abril sa Sariaya, Quezon.

Ayon kay OIC-Regional Executive Director, Engr. Redelliza Gruezo, layunin ng programa na matukoy ang iba't ibang binhi at abono na aangkop sa lugar na matibay sa mga peste at magbibigay ng magandang ani sa mga magsasaka. Aniya, ito ang magiging gabay at konsiderasyon sa pagpapatupad ng programa at interbensyon sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.

Nagsimula naman ang nasabing programa sa isang Farm Walk na pinangunahan ng mga panauhin, mga kalahok mula sa iba’t ibang kumpanya, at mga samahan ng mga magsasaka sa rehiyon na sinundan ng Ribbon Cutting Ceremony at pag-presenta ng mga nanalo sa isinagawang Corn Derby.

Mula sa mga kalahok ng Varietal Category ng Shelling Recovery nakamit ng Advanta Seeds Phil’s Inc. ang ika-unang pwesto, ikalawa naman ang Cornworld at itinanghal naman sa ikatlong pwesto ang Corteva Agriscience. Sa Varietal Category naman ng Yield, nakamit ng Syngenta Phils Inc. ang una at ikalawang pwesto para sa dalawa nitong magkaibang variety habang nakuha naman ng Bayer Cropscience Inc. ang ikatlong pwesto. Samantala, nagwagi sa Fertilizer Category ang Aldiz Incorporated, sinundan ito ng JCV Worldwide Traders Corp., at Gemini Agri Farm Solutions Corp.

Malaki ang pasasalamat ni QPCPF President Emerson Agno. Aniya, ang kanilang pakikilahok ay isang importanteng gawain kung saan ang datos at impormasyon na nakalap ay magiging batayan nila upang mas mapaunlad ang produksyon ng kanilang maisan.

Dumalo rin sa aktibidad sina Corn Program Coordinator Bb. Jonadeth Almazan, OIC-APCO Quezon, G. Jan Oliver Sarmiento, Quezon Provincial Corn Coordinator Bb. Jenny Bascoguin, kinatawan ng punong bayan G. Victorio Armamento, at iba pang kawani ng DA-4A.

Matatandaang naglaban-laban noong ika-23 ng Enero ang labing-isang kumpanya sa isinagawang Corn Derby Field Walk kung saan sinuri ng mga magsasaka mula sa iba’t-ibang bayan ang kanilang binhi at abonong itinanim noong Disyembre 2025.

 

(Glenda H. Marquez, DA-4A RAFIS)