DA-4A tinasa ang performance, epekto ng KADIWA grants sa 15 FCAs sa CALABARZON

 

 

Upang masukat hindi lamang ang paggamit ng financial assistance kundi maging ang naging epekto nito sa operasyon, merkado, at pagpapatuloy ng mga agri-enterprise, isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), ang Regional Performance Review and Assessment of Financial Grant Beneficiaries noong Setyembre 23–25, 2026 sa Development Academy of the Philippines (DAP), Tagaytay City, Cavite.

Dinaluhan ang tatlong araw na aktibidad ng 50 farmer-members mula sa 15 farmers’ cooperatives and associations (FCAs) sa Cavite, Batangas, at Quezon. Isinagawa ang parehong programa sa magkakaibang grupo ng mga kalahok upang mabigyan ang bawat organisasyon ng pagkakataong mailahad ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang agri- enterprise at ang naging paggamit ng mga suportang natanggap mula sa Kagawaran.

 

Ayon kay AMAD OIC-Chief Justine Marco M. Vivas, mahalagang bahagi ng pagpapatupad ng programa ang pagbalik sa mga benepisyaryo upang makita kung ang suportang ipinagkaloob ay nagbunga ng inaasahang resulta at upang matukoy kung anong tulong pa ang kinakailangan ng kanilang mga negosyo.

Sa ilalim ng KADIWA Financial Grant Assistance Program, layunin ng DA-4A na palakasin ang kakayahan ng mga benepisyaryo na direktang maipagbenta ang kanilang mga produktong agrikultural habang nakapagbibigay ng abot-kayang produkto sa mga mamimili at mas magandang oportunidad sa kita para sa mga miyembro.

Dito ay isa-isang ibinahagi ng mga kalahok ang kalagayan ng kanilang mga agri-enterprise, partikular ang paggamit ng mga ipinagkaloob na hauling vehicles, equipment, machinery, facilities, at iba pang grant-funded interventions. Sinuri rin ang mga hamong kinakaharap ng mga organisasyon sa kanilang operasyon at marketing at ang mga maaaring gawing pagpapabuti sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.

Nagsilbi rin itong pagkakataon upang direktang makuha mula sa mga FCAs ang kanilang karanasan sa implementasyon. Kabilang na rin dito ang pagbabahagi ng best practices na maaaring tularan ng ibang organisasyon, pagsusuri kung paano nagamit ang financial grants, pagtukoy sa operational at marketing challenges, at pag-alam kung nakatulong ang programa sa pagtaas ng kita ng mga magsasaka.

Para kay Gng. Noriet D. Morillo, Chairperson ng High Value Crops Marketing Cooperative of Quezon, mahalaga ang ganitong pagkakataon upang hindi lamang maipakita ng mga kooperatiba ang kanilang mga nagawa kundi maiparating din sa DA ang aktuwal nilang karanasan at mga pangangailangan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Tinalakay rin sa aktibidad ang Sagip Saka, mga oportunidad sa agribusiness investment kasama ang Magnolia-San Miguel Foods, Inc., at ang KADIWA ng Pangulo Program Para sa Masaganang Bagong Pilipinas.

 

(Jayvee Ergino, DA 4A RAFIS)