DA CALABARZON, mga seed growers, naghahanda na para sa Rice Seed Reserves ng FY 2027

 

 

Pinalakas ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA CALABARZON) ang paghahanda para sa Rice Seed Reserves o buffer stock para sa taong 2027 sa pamamagitan ng Consultative Meeting on the Sagip Saka Program and Rice Program Seed Reserves/Buffer Procurement noong ika-21 ng Oktubre sa Provincial Veterinary Office, Brgy. Calios, Sta. Cruz, Laguna.

Tinalakay dito ang kapasidad ng produksyon ng mga seed growers sa CALABARZON, mga available na barayti ng binhi, iskedyul ng pagkakaroon ng suplay, at mga kinakailangan para sa planong procurement at paghahatid ng mga binhi.

Layunin nitong matiyak ang napapanahong pagkakaroon ng de-kalidad na binhing palay para sa mga magsasaka sa rehiyon at matukoy ang mga hakbang upang maiayon ang produksyon ng mga samahan sa pangangailangan, pamantayan, at takdang panahon ng paghahatid ng seed reserves.

Kabilang sa nabanggit na procurement ang 10,000 bag ng certified seeds, na hahatiin sa tig- 5,000 bag para sa 2027 Wet Season at 2027-2028 Dry Season; at 50 bag ng registered seeds para sa 2027 Wet Season buffer stock.

Ang hakbang na ito ang magbibigay-daan sa unang negotiated procurement ng DA CALABARZON para sa Rice Seed Reserves sa ilalim ng Republic Act No. 11321, o Sagip Saka Act. Sa pamamagitan ng mekanismong ito, higit na napagtitibay ang ugnayan ng pamahalaan at mga organisadong seed growers sa pagtataguyod ng maayos, malinaw, at planadong suplay ng binhi.

Bilang pagpapatibay ng kanilang pakikiisa, lumagda ang mga pangulo ng mga seed growers’ associations sa Pledge of Commitment. Nangako silang maglaan ng de kalidad na certified seeds, magbigay ng tumpak na impormasyon ukol sa dami, barayti, at petsa ng pagkakaroon ng binhi, at patuloy na sumunod sa mga pamantayan ng seed certification.

Sa pamamagitan ng sama-samang paghahanda, layon ng tanggapan na palakasin ang access ng mga magsasaka sa de-kalidad na binhing palay, mapataas ang produksyon ng palay, at makatulong sa pagtataguyod ng matatag na seguridad sa pagkain sa rehiyon.

Kabilang sa nakibahagi sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Bureau of Plant Industry- Los Baños National Seed Quality Control Services, Philippine Rice Research Institute-Los Baños, Sagip Saka Program, namamahala ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System, at DA Rice Program.

 

(Jayvee Ergino, DA-4A RAFIS)