DA-CALABARZON, pinalalakas ang coffee, cacao enterprises ng mga magniniyog
Pinalalakas ng Department of Agriculture Regional Field Office IV-CALABARZON (DA- CALABARZON) ang mga kabuhayan ng mga Magniniyog sa pamamagitan ng mga interbensyon para sa produksyon ng kape at kakaw sa ilalim ng High-Value Crops Development Program- Coconut Fund Industry Development Program (HVCDP-CFIDP).
Sa pamamagitan ng Coconut-Based Coffee and/or Cacao Enterprise Development Project, naipamahagi ng programa ang target na 50,000 cacao planting materials at 25,000 coffee planting materials para sa mga benepisyaryo. Pati na rin ang suporta para sa rehabilitation program ng 50,000 coffee at 350,000 cacao trees kung saan naipamigay ang inorganic at foliar fertilizers, fungicides, at UV plastic.
Bukod dito, naipaabot din sa mga magsasaka ang planting materials, tig-10 grasscutters at mechanical soil augers upang suportahan ang mas episyenteng pamamahala ng mga taniman. Patuloy din ang paghahanda para sa community-based nurseries, kabilang ang mga site validation sa Indang, Cavite; Luisiana, Laguna; Padre Burgos, Quezon; at Sto. Tomas City, Batangas.
Ito ay naiulat sa isinagawang FY 2026 3rd Quarter Assessment at FY 2027 Planning Workshop ng HVCDP-CFIDP. Bilang host region, naging daan ang aktibidad upang maipakita ang mga inisyatiba ng rehiyon habang nakikibahagi sa pagsusuri ng mga programa, pagtalakay ng mga industry roadmap, at pagbuo ng iba’t ibang prayoridad para sa susunod na taong 2027.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni DA-CALABARZON OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza A. Gruezo, ang nabanggit na DA National Office sa pagsasama-sama ng mga kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon. Muli niyang pinagtibay ang suporta ng tanggapan sa mga inisyatiba ng programa na nakatuon sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magniniyog at magsasaka.
Inihayag naman ni HVCDP-CFIDP Director Joseph Manicad sa mga kalahok na patuloy na higitan ang kanilang mga nagawa at huwag makuntento sa mga naabot na accomplishments. Binigyang-diin niya na mahalaga ang matibay na kolaborasyon ng mga ahensya at ang paggamit ng mga aral mula sa mga nalampasang hamon upang maisakatuparan ang bawat target ng programa.
Bahagi rin ng workshop ang benchmarking visit sa Gourmet Farms sa Silang, Cavite, na dinaluhan ni Undersecretary for HVCDP Cheryl Marie N. Caballero. Binigyang-halaga niya ang pagbisita bilang pagkakataon upang makakuha ng mga kaalaman sa coffee processing at nursery management na maaaring maibahagi sa mga stakeholder sa bawat rehiyon. Tinalakay rin dito ang potensyal ng Gourmet Farms bilang isa sa mga maaaring maging market partners para sa mga produktong kape mula sa CALABARZON at iba pang rehiyon.


