Inindorso ng Sectoral Committee on Economic Development (SCED) sa Regional Development Commitee (RDC) ng National Economic Development Authority (NEDA) CALABARZON ang implementasyon ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Scale-Up sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

Bago ihain ang DA-PRDP Scale-Up sa RDC, kinakailangang masuri at maisulong ito ng SCED na tungkuling pag-ugnayin at isulong ang mga aktibidad na pangkaunlaran sa CALABARZON sa mga sektor ng agrikultura at isdaan, repormang agraryo, kalakalan at industriya, turismo, kalikasan at likas na yaman, at siyensya at teknolohiya. Binubuo ito ng mga ahensya ng gobyerno at mga miyembro ng pribadong sektor.

Pinasalamatan ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office Project Director Engr. Marcos Aves, Sr. ang SCED sa pagsulong ng proyekto. Aniya, malaki ang maitutulong ng DA-PRDP Scale-Up sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura at isdaan at pagtaas ng antas ng pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa malaking sakop ng mga proyekto nito at ibayong pagtingin sa mga aspeto ng climate-change, clustering ng mga magsasaka, industriya ng palay at mais, geomapping, at social and environmental safeguards.

Inaasahan ang desisyon ng RDC sa DA-PRDP Scale-Up sa Hunyo. Ayon sa Investment Coordination Committee ng NEDA, mahalaga ang pag-apruba ng RDC sa DA-PRDP Scale-Up upang matuloy ang implementasyon nito.

Ang DA-PRDP Scale-Up ng DA at World Bank ay ang mas pinalawak na bersyon ng DA-PRDP na naglalayong pabilisin ang daloy ng mga produktong agrikultura mula produksyon hanggang pagbebenta upang masiguro ang suplay ng pagkain sa mga pamilihan sa abot-kayang presyo, at ang pagtaas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda. ### (Myrelle Joy Bejasa, DA-PRDP 4A InfoACE)