Sinimulan na ang operasyon ng isang mango processing facility sa Brgy. Janopol Oriental, Tanauan City, Batangas na bahagi ng proyektong Tanauan City Mango Trading and Processing Enterprise ng DA-PRDP at Magsasakang Tanaueño Agricultural Marketing Cooperative (MTAMC).

May lawak ito na 90-metro kwadrado kung saan gagamitin ang mga makinaryang mula rin sa proyekto tulad ng pulper finisher, steam jacketed kettle, refractometer, autoclave sterilizer, storage freezer, cooler, atbp. Matapos i-package ang mga produkto, ibabyahe naman ang mga ito sa merkado gamit ang isang truck na mula rin sa proyekto.

Sa tulong ng mga ito, umaasa ang samahan na lalo pang madadagdagan ang kanilang kita dahil mapapataas nila ang halaga ng kanilang produkto. Sa unang taon ng operasyon, nilalayon ng MTAMC na makabenta ng Php 1,579,200.00.

Sa ngalan ni PRDP 4A Project Director Engr. Marcos Aves, Sr. at DA-4A Regional Executive Director Milo Delos Reyes, binati ni PRDP 4A Deputy Project Director Engr. Redelliza Gruezo ang MTAMC at lokal na pamahalaan ng Tanauan sa matagumpay na pagsisimula ng proyekto na bunga ng kanilang pakikipagtulungan sa PRDP 4A. Aniya, patuloy na susuporta ang PRDP 4A sa samahan upang mas mapaunlad at mapatagal pa ang operasyon ng kanilang mango processing facility. ### (Myrelle Joy Bejasa, PRDP 4A InfoACE)