DA4A, nagsagawa ng pagsasanay patungkol sa produksyon ng pinya

 

 

Nagsagawa ang High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture Calabarzon ng isang pagsasanay sa produksyon ng pinya noong Hulyo 1 sa Tagaytay City, Cavite, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka sa rehiyon.

Tinalakay sa pagsasanay ang Package of Technologies para sa produksyon ng pinya, kabilang ang Pineapple Production and Post-Harvest Management; Pests and Diseases Identification and Management; Soil Fertility Management at tamang pamamaraan ng pagkuha ng soil samples para sa pagsusuri; at Creating Healthy Soil Through Soil Rejuvenation and Safe Pest Management.

Layunin ng aktibidad na maiparating sa mga magpipinya ng lungsod ang napapanahon at angkop na teknolohiya at impormasyon na makatutulong sa pagpapataas ng produktibidad, pagpapabuti ng pamamahala sa kanilang mga taniman, at pagtugon sa kasalukuyang kalagayan ng industriya ng pinya sa rehiyon.

Nagbahagi ang mga eksperto at resource persons mula sa ahensya at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan. Nagkaroon din ng talakayan kung saan nabigyang linaw ang mga katanungan ng mga kalahok hinggil sa wastong pamamahala ng pinyahan, pagkontrol sa mga peste at sakit, at pangangalaga sa kalusugan ng lupa.

Inaasahang magsisilbing gabay ang mga kaalamang ibinahagi sa pagsasanay upang higit na mapaunlad ang produksyon ng pinya at mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka sa rehiyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabago at angkop na teknolohiya para sa pagpipinyahan.

 

####