DA4A, nakiisa sa 4th National Agriculture and Fisheries Technology Exhibition

 

 

Nakiisa ang Department of Agriculture-Calabarzon Research Division sa ginanap na 4th National Agriculture and Fisheries Technology Exhibition (NAFTE) noong Oktubre 1-3 sa Legazpi City, Albay.

Ang ika-apat na taon ng NAFTE na may temang Innovation in Action: Bridging Science, Industry, and Communities for Scalable and Sustainable Agri-Fisheries Technologies ay naglalayong ipakita ang mga makabagong teknolohiya na patuloy na mag-aangat at magpapalakas sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Pinangunahan ni OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza Gruezo ang delegasyon ng Calabarzon na nagtampok ng mga teknolohiyang produkto ng pananaliksik at inobasyon na nakapaloob sa Agriculture and Fisheries Research and Resources Extension Development
Network (AFRREDN) booth. Sa simbolo ng isang bahay kubo, dito ay ipinakita ang mga inobasyon at produkto ng apat na Research Stations ng ahensya, katuwang sa akademya, at mga magsasaka na nakaangkla sa konsepto ng bayanihan. Ito ay sumasalamin sa sama-samang pagkilos upang maihatid ang mga resulta ng pananaliksik at teknolohiya, hindi lamang sa mga magsasaka at mangingisda, kundi sa higit na nakararami.

Ilan dito ang Smart Greenhouse Project of the Philippines (SGPP), Drones for Rice, One Rice Ph, Corn Germplasm Utilization Advanced Research Development (CGUARD. Kabilang din ang Community-based Participatory Action Research (CPAR), Outscaling, at Technology Communication projects, at mga produktong coco sugar, honey, kape, ube powder, bignay juice, wood vinegar, macapuno strings, dehydrated vegetables, at iba pa. Tampok din ang produkto mula sa Cavite State University na biomass fuel pellets, maqapuno powder, at BaHive horizontal stingless beehive.

Tinanghal na Best Booth ang Calabarzon AFRREDN booth sa ipinakitang konsepto na ang pag- unlad ng agrikultura at pangisdaan ay nakasalalay sa pagtutulungan ng pamahalaan, akademya, pribadong sektor, hanggang sa iba pang stakeholders, upang matiyak na ang mga makabagong teknolohiya ay hindi lamang nalilikha kundi tunay na naihahatid at napakikinabangan.

Samantala, nasungkit din ng Luzon B cluster na kinabibilangan ng rehiyon CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol, ang tropeyo sa Sining at Galing para sa mahusay na pagtatanghal ayon sa tema ng 4 th NAFTE. Ito ang ikatlong taon ng pagkapanalo ng cluster na nagpamalas ng talento at galing ng mga mananaliksik sa bawat rehiyon.

 

#### (Chie Caguitla, DA 4A RAFIS)