DA4A, nakiisa sa paglulunsad ng Convergence Area Development Plan ng Marilag Convergence Zone sa Santa Maria, Laguna

 

 

Nakiisa ang #DACalabarzon sa pormal na paglulunsad ng Convergence Area Development Plan (CADP) ng Marilag Convergence Zone noong Hulyo 2 sa Municipal Plaza, Barangay Poblacion II, Santa Maria, Laguna, bilang bahagi ng pagpapatibay ng sama-samang pagpapatupad ng mga programa para sa patuloy na pagpapaunlad ng nasabing bayan.

Ang CADP ay isang komprehensibong plano na naglalaman ng mga estratehiya, programa, aktibidad, at mga proyektong magsusulong ng sustenableng pamamahala at paggamit ng mga likas na yaman sa loob ng convergence area. Layunin nitong matiyak ang magkakaugnay at episyenteng pagpapatupad ng mga inisyatiba ng pamahalaan para sa pag-unlad ng komunidad.

Isinagawa ang paglulunsad sa ilalim ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD), isang programa na naglalayong pag-isahin at iayon ang mga proyekto at serbisyo ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapaunlad ang mga pamayanan sa loob ng Marilag Convergence Zone.

Pinangunahan ang programa ng mga katuwang na ahensya sa ilalim ng NCI-SRD, kabilang ang Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Santa Maria at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ipinahatid ni RTD for Research and Regulations Maria Ella Cecilia Obligado ang buong suporta ng ahensya para sa pagpapatupad ng mga planong nabalangkas sa CADP ng Marilag Convergence Zone. Aniya, ang launching ay simula pa lamang, at para sa maayos na implementasyon, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa.

Sa pamamagitan ng programa, inaasahang higit pang mapalalakas ang koordinasyon ng mga ahensya at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyektong magpapataas ng produktibidad, magpapabuti sa pamamahala ng likas na yaman, at magpapalawak ng mga oportunidad sa kabuhayan hindi lamang para sa mga magsasaka at mangingisda, kung hindi ng mga mamamayan ng bayan.

 

####