DACalabarzon, nagsanay ng mga tekniko sa paggamit ng RSBSAPP-LGU
Dalawang pangkat ng mga tekniko mula sa mga lokal na pamahalaan ang sumailalim sa pagsasanay na isinagawa ng Department of Agriculture-Calabarzon sa paggamit ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture Profiling Platform for Local Government Units (RSBSAPP-LGU) noong Setyembre 8-11 sa Tagaytay City, Cavite.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa kakayahan ng mga katuwang sa lokal na pamahalaan sa wastong paglalagay, pamamahala, at pag-update ng impormasyon at datos sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), ang opisyal na talaan ng mga lehitimong magsasaka sa rehiyon.
Sa isinagawang pagsasanay, nabigyan ng paglilinaw ang mga katanungan at usapin ng mga kalahok hinggil sa paggamit ng sistema. Nagsilbing tagapagsanay ang mga kinatawan mula sa National Program Management Office ng RSBSA at mga kawani ng rehiyon.
Ayon kay Marianito Balani, encoder mula sa General Luna, Quezon, makatutulong ang RSBSAPP-LGU upang maging mas madali at episyente ang pag-akses at pag update ng impormasyon ng mga magsasaka sa kani-kanilang bayan.
βMas mapapadali at mapapagaan nito ang pag-akses sa mga impormasyon, laloβt higit ang pag-a-update ng mga datos ng mga magsasaka sa aming bayan,β ani Balani.
Ang RSBSAPP-LGU ay sistemang ginagamit ng mga lokal na pamahalaan sa pagtatala at pamamahala ng impormasyon hinggil sa mga magsasaka at kanilang mga sakahan. Nagsisilbi itong mahalagang batayan ng Kagawaran sa pagtukoy at pagbibigay ng angkop na mga programa, interbensyon, at suporta para sa mga benepisyaryo sa sektor ng agrikultura.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at pagpapahusay sa paggamit ng sistema, layunin ng DACalabarzon na mapalakas ang kalidad at pagiging napapanahon ng datos na magsisilbing gabay sa mas mahusay na pagpaplano at paghahatid ng serbisyo para sa mga magsasaka sa rehiyon.


