Dalawang kawani ng DA-4A, wagi sa Gawad Kinang ng STAARRDEC

 

 

Dalawang kawani ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) ang pinarangalan sa Gawad Kinang ng Southern Tagalog Agriculture, Aquatic and Resources Research, Development and Extension Consortium (STAARRDEC) bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo nito noong ika-3 ng Hunyo sa Indang, Cavite.

Ginawaran si Dr. Hazel D. Reyes para sa Pinakamahusay na ICT Cluster Representative bilang pagkilala sa kanyang mahalagang ambag sa larangan ng Information and Communications Technology (ICT) Cluster Representative habang ginawaran si Ms. Ginalyn D. Bocaya para sa Technology Transfer o Outstanding Technology Transfer Worker Award dahil sa kanyang naging papel sa pagpapalaganap ng mga makabagong teknolohiya sa sektor ng agrikultura.

Ang naturang parangal ay siyang pinakamataas na pagkilalang iginagawad ng STAARRDEC sa mga indibidwal at organisasyong nagpakita ng natatanging kontribusyon sa pananaliksik, extension, technology transfer, at kooperasyon para sa pagpapaunlad ng sektor ng Agriculture, Aquatic, and Natural Resources (AANR).

Samantala, tumanggap din ang DA CALABARZON ng Special Citation for Committed RDE Implementation. Iginawad ang pagkilalang ito sa mga institusyong miyembro na nagpapakita ng kahusayan sa napapanahong pagsusumite ng mga ulat, wastong pamamahala ng pondo, at mahusay na pagganap sa mga monitoring visit.

Ang karangalang kanilang natanggap ay nagsisilbing patunay ng husay, sipag, at determinasyon ng mga kawani ng Kagawaran upang magbigay ng serbisyong publiko hindi lang sa sektor ng agrikultura kundi sa larangan ng teknolohiya sa lalawigan.

 

(Glenda H. Marquez – RAFIS)