Datos ng RSBSA patuloy na pinaiigting, Field Assistants at LGU sinanay sa georeferencing
Tatlumpung (30) field assistants at kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan ng Cavite, Batangas, at Laguna ang lumahok sa tatlong araw na pagsasanay sa georeferencing na isinagawa ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) noong ika-10 hanggang ika-12 ng Setyembre sa Tanza, Cavite.
Ang georeferencing ay mahalagang hakbang sa beripikasyon ng aktwal na kalagayan, lawak, at lokasyon ng mga sakahan. Ginagamit ito na batayan sa pagrehistro o pag-update ng impormasyon ng mga magsasaka sa RSBSA.
Isinama rin sa pagsasanay ang tamang encoding ng datos sa RSBSA platform upang matiyak na ito ay maayos na ma-a-access ng Regional Field Office (RFO) at mga LGU sa pamamagitan ng RSBSAPP-LGU system.
Ayon kay Suzette Panopio, DA-4A RSBSA Alternate Focal Person, ang bawat hektaryang nasusukat ng mga field assistants ay hindi lamang accomplishment ng mga ito, kundi tagumpay rin ng opisina sa pagtiyak na nakakarating ang serbisyo ng gobyerno sa mga tunay na benepisyaryo.
Payo naman ni Antonio Valin, pambayang agrikultor ng Pangil, Laguna sa mga field assistant, dedikasyon at diskarte ang tunay na puhunan sa ganitong trabaho. Ang bawat pakikitungo sa mga magsasaka ay nagiging hakbang para sa mas ikauunlad ng mga programa ng RFO tulad na lamang ng RSBSA.
Ang pagsasanay na ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na inisyatibo ng DA-4A upang masigurong maayos, angkop, at napapanahon ang datos ng mga lehitimong magsasaka sa rehiyon.






All content is in the public domain unless otherwise stated.