Drone para sa pag-aabono ng palayan sa Mabitac, Laguna, lumipad na
Nagsagawa ng Drone Fertilizer Application ang Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Rice Program katuwang ang Agridom bilang bahagi ng pagsabay sa makabagong teknolohiya ng pagsasaka sa rehiyon noong ika-10 ng Hulyo sa Mabitac, Laguna
Layunin ng aktibidad na ipakita ang kahalagahan ng drone-based precision farming sa pagpapataas ng produktibidad ng palay sa pamamagitan ng mas mabilis at tumpak na aplikasyon ng pataba.
Bukod dito, nakatutulong rin ang naturang pamamaraan sa pagbawas ng oras, gastusin sa paggawa, at paggamit ng mga input habang pinagbubuti ang pamamahala sa mga taniman.
Ayon kay G. Manuel M. Oliveros, may-ari ng 5.5 ektaryang palayan sa lugar, malaking pakinabang sa mga magsasaka ang paggamit ng drone na isinagawa ng DA CALABARZON. Aniya, malaki ang naitutulong nito dahil nababawasan ang kanilang pisikal na paggawa at mas pantay ang pagkalat ng pataba kumpara sa tradisyunal na mano-manong pamamaraan.
Sa pamamagitan ng mga demonstration site sa iba’t ibang bayan sa CALABARZON, nabibigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka at iba pang stakeholders na masaksihan ang mga benepisyo ng drone technology bilang hakbang sa pagkakaroon ng mas epektibong produksyon ng palay sa rehiyon.
Samantala, nakatakda namang isagawa ang drone application sa bayan ng Santa Maria, Laguna, Sariaya, at Pagbilao, Quezon ayon sa itinalagang iskedyul na may tig-100 ektaryang taniman.


