Elementary artists ng Cavite, tampok sa pag-uwi ng panalo sa On-the-Spot Poster Making Contest ng DA-4A

 

 

Dalawampu’t limang (25) mag-aaral sa ika-5 hanggang ika-6 na baitang ang lumahok sa Regional On-the-Spot Poster Making Contest 2026 na isinagawa ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) noong ika-24 ng Setyembre sa Lipa City, Batangas.

Ang patimpalak ay may temang “Innovate Today, Nourish Tomorrow” na naglalayong mapagtibay ang pakikiayon ng mga kabataan sa pagpapakilala at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa tulong ng sining, gamit ang inobasyon patungo sa ligtas, masustansya, at sapat na pagkain para sa lahat.

Tampok sa aktibidad ang panalo ng mga mag-aaral sa elementarya mula sa lalawigan ng Cavite. Itinanghal na 1st Place si Eryn Jane Teano mula sa Trece Martires Elementary School. Sinundan naman ito nina Althea Colleen Villaresis ng Naic Elementarty School (2nd Place) at Felicia Isabella Macaraeg ng Rosario Elementary School (3rd Place).

Nagpasalamat si Eryn sa mga patuloy na naniwala sa kanya lalo na sa kanyang coach. Aniya, ang pagkatalo niya sa pagsali sa kompetisyong ito noong 2025 ay nagsilbing inspirasyon upang mas pagbutihin pa ang pagguhit niya sa pagkapanalo ngayong 2026.

Samantala, taunang idinadaos ang kompetisyong ito sa pagtutulungan ng Kagawaran ng Pagsasaka, Kagawaran ng Edukasyon, at Food and Agriculture Organization ng United Nations para sa selebrasyon ng World Food Day tuwing Oktubre. Inaasahan ang paglaban si Eryn para sa national sa ika-16 ng Oktubre sa Maynila.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)