Farmers’ Field Day para sa Mekanisadong Pagmamais sa Batangas, isinulong ng DA-4A
Aabot sa 1.5 ektarya ang lawak ng taniman ng mais na nilibot at sinuri ng grupo ng mga magmamais sa lalawigan ng Batangas sa isinagawang Farmers’ Field Day ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) noong ika-29 ng Setyembre sa Brgy. Sto Toribio, Lipa City, Batangas.
Kaugnay ito ng pananaliksik na “Verification of Simulation Values for Agricultural Machineries for Corn Production in Batangas Province” na may layuning ipakita at patunayan ang halaga ng mekanisadong sistema ng pagmamais o ang paggamit ng mga makinarya para sa pagpapataas ng produksyon ng mais.
Dito ay nagkaroon ng tatlong bahagi ang maisan na may tatlong klase ng proseso ng pagtatanim: may (1) manual, (2) farmers’ practice, at (3) mechanize. Sa tulong ng proyekto ay direktang nakapaglahad ang mga mananaliksik at mga magmamais ng kanilang mga bagong kaalaman at karanasan sa mas episyenteng sistema ng pagtatanim ng mais.
Ayon kay Jesus Garcia, miyembro ng Lipa City Corn and Cassava Farmers Association na benepisyaryo ng proyekto, marami silang natutunan sa proyekto gaya ng tamang aplikasyon at preparasyon para sa mas magandang ani ng mais. Naging maganda rin aniya ang naging talakayan sa pagsasama-sama ng mga dalubhasa at mga magsasaka.
Samantala, ayon kay Research Project Head Science Research Specialist Engr. Ethel V. Venus, bukod sa Brgy. Sto Toribio ay isinagawa rin ang nasabing pag-aaral sa dalawa pang barangay sa Lipa City, ang San Salvador at Balintawak. Inaasahan na gagawin din ito sa iba pang lalawigan at ang magiging resulta ng pananaliksik ay maaaring maging pinakaunang datos ng ahensya sa buong bansa.


