Food Lane Project, ipinakilala sa 25 byahero ng truck ng DA-4A

 

 

Sumailalim sa isang oryentasyon ukol sa Food Lane Project (FLP) ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang 25 biyahero mula sa 11 trucking services sa rehiyon noong ika-16 ng Hulyo sa Lipa City, Batangas.

Ito ay bahagi ng proseso ng pagiging akreditado ng mga truck sa FLP na nagdadala ng mga produktong agrikultural mula sa mga prodyuser hanggang sa mga lugar na may mataas na pangangailangan lalo na sa mga siyudad.

Sa tulong ng FLP ay hindi na kinakailangan pang mapabilang ng mga akreditadong sasakyan sa truck ban, mga checkpoint, at iba pa– alinsunod sa mga polisiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Magkakaroon din sila ng maayos na ruta at dagdag na tulong sa paghahatid ng mga produkto.

Layon ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga byahero upang masiguro ang mabilis na pagdadala ng mga sariwa at ligtas na produkto sa merkado. Katuwang dito ng Kagawaran ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at MMDA.

Ayon kay AMAD OIC-Chief Justine Vivas, pangunahing ipinaaalam sa oryentasyon ay ang mga dapat at hindi dapat gawin bilang mga responsableng byahero upang maiwasan ang post-harvest losses. Dagdag pa nito ang tulong ng FLP sa pagbibigay ng libreng toll fee para sa mga akreditadong truck services.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)