Gen. Emilio Aguinaldo, Cavite wagi sa 2025 DA-CALABARZON Regional On-the-Spot Poster Making Contest
Bilang suporta sa World Food Day, nagsagawa ng Regional On-the-Spot Poster Making Contest ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) na pinangasiwaan ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) noong ika-19 ng Setyembre 2025 sa Lipa City, Batangas.
Dito ay 23 mag-aaral na mula sa ika-lima hanggang ika-anim na baitang sa CALABARZON ang nagtagisan ng galing sa poster making na may temang “Hand in Hand for Better Foods and a Better Future” mula sa Food and Agriculture Organization ng United Nations.
Tinanghal na kampeon si Anna Ria L. Marquez ng Bailen Elementary School ng General Emilio Aguinaldo, Cavite, ginawaran naman ng ikalawang parangal si Janna Soleiz R. De Ocampo ng Hilirang Buli Elementary School ng Tiaong, Quezon, at tumanggap naman ng ikatlong parangal si Cassandra Nicole G. Baning ng David P. Jimenez Elementary School ng Rosario, Cavite.
Tumanggap din ng papremyong salapi ang mga nagwagi kung saang iginawad ang labinlimang libong piso para sa kampeon, sampung libong piso para sa ikalawang parangal, limang libong piso para sa ikatlong parangal, at isang libong piso para sa consolation prize ng ibang lumahok.
Nagsilbing hurado sa naturang kompetisyon sina SAAD-CALABARZON Information Officer II Jonas Palma, RAFIS Social Media Specialist Cherish Lyn Opeña, at kilalang Children’s Book Illustrator na si Mark Niño Balita.
Nagpasalamat si Anna sa lahat ng sumuporta sa kanyang pagsali sa kompetisyon at ipinangakong mas pagbubutihan pa niya sa national level nito na gaganapin sa ika-15 ng Oktubre sa Quezon City. Bitbit ni Anna ang talento at bisyon ng isang kabataan na may pagpapahalaga sa sektor ng agrikultura.






All content is in the public domain unless otherwise stated.