Higit sa Php40-M halaga ng suporta para sa mga magsasaka sa Batangas, ipinagkaloob ng DA-4A
Tinatayang ₱40,952,080.66 ang kabuuang halaga ng agrikultural na suporta na ipinagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magsasaka ng bayan ng Nasugbu, Batangas noong ika-9 ng Oktubre.
Pinangunahan ito ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nagbahaging ang bayan ng Nasugbu ay itinuturing na isa sa mga may pinakamaraming produksyon ng palay, mais, high- value crops, at niyog sa lalawigan ng Batangas. Kaya naman ang mga suportang ipinamahagi ay parte ng layunin ng Kagawaran na gawing mas episyente ang gawain ng mga magsasaka sa produksyon tungo sa mas maunlad na kabuhayan.
Kabilang sa mga nasabing suporta ang mga binhi ng hybrid rice, yellow corn, at mga gulay; abono at foliar; punla ng calamansi at mangga; knapsack sprayer; at iba pang mga kagamitan mula sa mga Banner Program ng Kagawaran. Tampok din dito ang ipinagkaloob na Solar Powered Irrigation System (SPIS) ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) at four- wheel tractor ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech).
Ayon kay G. Renato Caballes, miyembro ng Nasugbu Corn and Cassava Farmers Association, sila ay nagagalak lalo pa at kabibigay lang sa kanilang samahan noong nakaraan ng hauling truck pambyahe ng mga produkto, ay nasundan agad ito ng sako-sakong hybrid yellow corn seed. Aniya ay panamang-panama ito dahil higit sa 100 magmamais na ang aktibong miyembro nila ngayon.


