Higit sa Php73 milyong halaga ng interbensyon, ipinamahagi ng DA-4A kasabay ng kaarawan ni Pangulong Marcos

 

 

Umabot sa ₱73,775,341 ang kabuuang halaga ng interbensyon na ipinamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa sabayang pagsasagawa ng Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat noong ika-14 ng Setyembre sa buong rehiyon.

Tanda ito ng pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-69 na kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kung saan nagtayo ng mga booth ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang maghandog ng mga produkto at serbisyo. Layon nitong sama-samang mailapit ang mga programa ng pamahalaan tungo sa mga mamamayan ng bawat komunidad sa bansa.

Tampok sa booth ng DA-4A ang mga interbensyon gaya ng ₱20 bigas, mga binhing pananim na gulay, makinarya, at mga polyetos na babasahin tungkol sa buhay pagsasaka. Nagbukas din ang KADIWA ng Pangulo kasama ang mga samahan ng mga magsasaka na direktang nakapagbenta ng kani-kanilang produkto.

Si Ernesto Havierto na isang senior citizen mula sa Lucena City, Quezon ay ikinatuwa ang balitang maaari na silang makabili ng bigas sa halagang bente. Ibinahagi nitong malaking tulong ito lalo na sa kagaya niyang mahirap at hirap nang magtrabaho sa kanyang edad.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)