Huntahan sa Kanayunan sa General Luna, Quezon
Binigyan ng agarang paglilinaw at tugon ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) ang mga isyung kinakaharap ng sektor ng agrikultura sa isinagawang Huntahan sa Kanayunan noong ika-6 ng Agosto sa bayan ng General Luna, Quezon.
Naging daan ang aktibidad upang direktang marinig ng Kagawaran ang mga hinaing, katanungan, at pangangailangan ng mga magsasaka, kabilang ang mga usapin sa sakit ng pananim, mga proyektong pang-imprastraktura, usapin sa merkado at hamon sa produksyon ng kanilang mga pananim.
Bukod dito, isinabay rin ang pamamahagi ng mga polyetos na naglalaman ng mahahalagang impormasyon at serbisyo, gayundin ang pagpaparehistro at pag-update ng datos sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Ayon kay Engr. Jarold Zara, Municipal Engineer ng naturang bayan, Napakaganda umano ng ganitong programa dahil personal na napupuntahan ang mga nasa malalayong bayan upang maka-kwentuhan at makipag-diyalogo sa mga magsasaka at lokal na pamahalaan upang alamin ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Aniya, sa pamamagitan nito ay nabubuksan umano ang kaisipan ng mga magsasaka na mayroon palang mga programa na inilaan at makatutulong sa kanilang kabuhayan na may kinalaman sa agrikultura.
Sa pamamagitan ng Huntahan sa Kanayunan, patuloy na pinapalakas ng DA CALABARZON ang direktang ugnayan sa mga magsasaka para sa mas makabuluhang pagbibigay ng serbisyo sa mga benepisyaryo.


