Huntahan sa Rizal kasama ang higit 100 magsasaka, isinagawa ng DA-4A
Higit sa 100 magsasaka ang nakapanayam ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ikatlong pagsasagawa ng Huntahan sa Kanayunan: A Bagong Pilipinas Town Hall Meeting sa bayan ng Tanay, Rizal noong ika-19 ng Agosto.
Layon ng aktibidad na ilapit sa mga magsasakang mula sa mga malalayong lugar ang akses sa mga interbensyon, partikular ang mga kaalaman ukol sa mga programa at proyekto ng Kagawaran. Kalakip pa nito ang mga ipinamahaging polyetos na babasahin at pagrerehistro sa mga magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Nagkaroon din ng isang open forum kung saan nakapagtanong ang mga magsasaka ng kani-kanilang isyu sa buhay pagsasaka na sinagot ng mga teknikal na kawani gaya ng ukol sa mga pamamahala ng peste, pagtanggap ng ayuda, pagpaparehistro, at iba pa.
Ayon kay Rosalie Gallo, miyembro ng samahan ng Tinucan Tanay Rizal Upland Lowland, malaking bagay na natulungan ang iba nilang kasamahan na hindi pa rehistrado dahil ito ang unang hakbang upang makatanggap din sila ng ayuda. Ikinatuwa rin niya ang pagiging bukas ng Kagawaran sa pagsagot sa kanilang mga tanong lalo na ang tungkol sa tulong-pinansyal sa larangan ng pagpapalay.






All content is in the public domain unless otherwise stated.