Investment Forum para sa mga CSO-accredited na samahan ng mga magsasaka, inihanda ng DA-4A
Dumalo ang mga akreditadong samahan ng mga magsasaka bilang Civil Society Organization (CSO) kasama ang iba pang stakeholder ng agrikultural na sektor sa isang investment forum na inihanda ng #DACalabarzon Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) simula noong ika-27 hanggang ika-28 ng Agosto sa Tagaytay City, Cavite.
Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na malaman ang iba’t ibang oportunidad kung saan maaaring magamit ang kanilang kapital sa pagpapaunlad ng negosyo.
Ilan sa mga inilahad dito ang mga serbisyo ng Kagawaran, mga programa ng mga ahensya ng pamahalaan na nagkakaloob ng pautang o seguro, at mga pribadong sektor na nagpakita ng mga oportunidad gaya ng Magnolia at East-West Seed.
Ayon kay Andrea Mayagma, sekretarya ng Amoranto Social and Economic Community Organization (AMORSECO), ito ang unang beses na nakadalo sila sa forum at malaking tulong na bukod sa nadagdagan ang kanilang kaalaman sa pagnenegosyo ay marami silang natutunan sa pakikisalamuha sa iba pang samahan pagdating sa pagbibigay solusyon sa mga nagiging problema o isyu.
Binigyang diin din ni AMAD OIC-Chief Justine Marco Vivas ang layunin ng forum na episyenteng mapataas ang supply ng mga lokal na produkto na tatapat sa pangangailan ng mga konsyumer sa kabila ng tumataas na mga bilihin at gastusin sa produksyon. Inaasahan na masusundan pa ang aktibidad na ito ngayong taong 2026.


